Mi Ultimo Annyeong

 

19114053_1878275858853087_6659138202883379992_n

Annyeoooong!

 

“Annyeong annyeong ka dyan,” ang madalas mong isinasagot sa akin,

Wala naman tayong lahing Korean, trip ko lang sabihin,

Pero feeling ko talaga meron ayaw nyo lang aminin.

 

KKKKKKKKK

Minsan letra, minsan aking pagtawa.

Na iyong ikinaiirita sa tuwing maririnig sa kabilang linya,

Para kasing kinukuyumos na dahon o kaya pagmumumog sa umaga,

Alam ko namang natutuwa ka, kunwari ka pa (haha).

 

Lagi mong sinasabi kung bakit walang nagmana,

Ng iyong galing sa Physics at Algebra o kahit ano basta Matematika,

Pasensya na ganun talaga, sa larangan ng sining at siyensya

Sisenta porsyento ni mama naipamana.

 

Sa aming mga laban sa kahit anong contest andun ka,

Kahit na dati ay nasa malayo pinipilit mong makapunta,

O kung hindi man makarating ay ramdam ang iyong suporta,

Kahit minsan kunwari sarcastic ka (peace yow daddy yow).

 

Lagi mo rin sinasabing kawawa naman at walang nanliligaw,

Eh nung may nagpaalam nga bakit hindi ka makadungaw.

Ni ayaw lumabas ng kwarto para harapin ang bisita,

Na humaharana sa puso ng iyong dalaga.

 

Lagi mo rin pinapaalala na ako’y malaki na,

Este matanda na kasi di na nga ako lumaki pa.

Pero minsan naman ay feeling mo ako’y sanggol pa rin,

Na di dapat padapuan sa lamok kasi ako’y iyakin.

 

Sa tuwing sumasayaw ako ng bigla bigla,

At ako’y pagtatawanan kasi para akong sira,

Alam ko namang naaalala mo nung ako’y bata pa,

Na sumasayaw ng chicken potato papunta sa kusina.

 

Nasaan na kaya ang iyong mahiwagang sinturon

Na ilang beses nagamit sa pagdidisiplina,

Ang iyong galit parang apoy magliyab,

Mabilis magningas; mabilis ding maapula.

 

Naalala ko rin noong bata pa na ako’y maysakit,

Ilang araw ring ikaw ay nagtiis kasi hindi ako umaalis.

Ayoko matulog kapag hindi mo ako karga,

Kamuntik muntikan tuloy na ikaw ay mahawa.

 

Bigla ko tuloy namiss ang iyong tinola,

O kahit anong maysabaw na iyong inihahanda,

Pati prutas sa pag uwi na iyong dala dala,

Lalo na kapag kami ay maysakit at di makapagsalita.

 

Miss ko na rin ang iba mong mga luto,

Ginataang tambakol o kaya ay adobo,

At ang hindi matatawarang tandem nyo ni mama sa pagluluto

Ng pansit na kahit buong baranggay ay paborito.

 

Natatawa rin ako kapag kinukuwento

Ang lovestory nyo bago pa man ako mabuo,

Na hindi ko na ikukuwento dito,

Baka abutin pa ng siyam siyam pag tinalakay ko.

 

Namimiss ko na ang mga yakap mo,

Ang pagtambling sa balikat mo na di ko na ginagawa

Kasi ehem lumaki este bumigat naman ako kahit papaano

Baka mamaya mabalian ka ng buto.

 

Pero hindi ka naman yata nabalian noong nakita ko

Ang pagrerevive sa’yo ng mahigit limampung minuto,

Mas matibay pa ang iyong kalooban kaysa iyong buto,

Alam kong ayaw mong sumuko,

 

Pero nakatakda na ito.

 

 

Daddy, miss na miss na kita.

Naalala mo pa ba kung paano ako humabol sa’yo

Sa tuwing aalis ka?

Pero ngayon pasensya na hindi na kita masusundan,

 

Ang aking kalooban kailangan kong tibayan.

 

Ang iyong mga ngiti, yakap at pasaring,

Sa aking alaala mananatiling kapiling,

Sa nalalapit na pagmartsa namin, mula sa langit ika’y titingin,

Alam kong masaya ka habang kami’y papanoorin.

 

11206466_1101511526529528_158294357885095795_o