Mi Ultimo Annyeong

 

19114053_1878275858853087_6659138202883379992_n

Annyeoooong!

 

“Annyeong annyeong ka dyan,” ang madalas mong isinasagot sa akin,

Wala naman tayong lahing Korean, trip ko lang sabihin,

Pero feeling ko talaga meron ayaw nyo lang aminin.

 

KKKKKKKKK

Minsan letra, minsan aking pagtawa.

Na iyong ikinaiirita sa tuwing maririnig sa kabilang linya,

Para kasing kinukuyumos na dahon o kaya pagmumumog sa umaga,

Alam ko namang natutuwa ka, kunwari ka pa (haha).

 

Lagi mong sinasabi kung bakit walang nagmana,

Ng iyong galing sa Physics at Algebra o kahit ano basta Matematika,

Pasensya na ganun talaga, sa larangan ng sining at siyensya

Sisenta porsyento ni mama naipamana.

 

Sa aming mga laban sa kahit anong contest andun ka,

Kahit na dati ay nasa malayo pinipilit mong makapunta,

O kung hindi man makarating ay ramdam ang iyong suporta,

Kahit minsan kunwari sarcastic ka (peace yow daddy yow).

 

Lagi mo rin sinasabing kawawa naman at walang nanliligaw,

Eh nung may nagpaalam nga bakit hindi ka makadungaw.

Ni ayaw lumabas ng kwarto para harapin ang bisita,

Na humaharana sa puso ng iyong dalaga.

 

Lagi mo rin pinapaalala na ako’y malaki na,

Este matanda na kasi di na nga ako lumaki pa.

Pero minsan naman ay feeling mo ako’y sanggol pa rin,

Na di dapat padapuan sa lamok kasi ako’y iyakin.

 

Sa tuwing sumasayaw ako ng bigla bigla,

At ako’y pagtatawanan kasi para akong sira,

Alam ko namang naaalala mo nung ako’y bata pa,

Na sumasayaw ng chicken potato papunta sa kusina.

 

Nasaan na kaya ang iyong mahiwagang sinturon

Na ilang beses nagamit sa pagdidisiplina,

Ang iyong galit parang apoy magliyab,

Mabilis magningas; mabilis ding maapula.

 

Naalala ko rin noong bata pa na ako’y maysakit,

Ilang araw ring ikaw ay nagtiis kasi hindi ako umaalis.

Ayoko matulog kapag hindi mo ako karga,

Kamuntik muntikan tuloy na ikaw ay mahawa.

 

Bigla ko tuloy namiss ang iyong tinola,

O kahit anong maysabaw na iyong inihahanda,

Pati prutas sa pag uwi na iyong dala dala,

Lalo na kapag kami ay maysakit at di makapagsalita.

 

Miss ko na rin ang iba mong mga luto,

Ginataang tambakol o kaya ay adobo,

At ang hindi matatawarang tandem nyo ni mama sa pagluluto

Ng pansit na kahit buong baranggay ay paborito.

 

Natatawa rin ako kapag kinukuwento

Ang lovestory nyo bago pa man ako mabuo,

Na hindi ko na ikukuwento dito,

Baka abutin pa ng siyam siyam pag tinalakay ko.

 

Namimiss ko na ang mga yakap mo,

Ang pagtambling sa balikat mo na di ko na ginagawa

Kasi ehem lumaki este bumigat naman ako kahit papaano

Baka mamaya mabalian ka ng buto.

 

Pero hindi ka naman yata nabalian noong nakita ko

Ang pagrerevive sa’yo ng mahigit limampung minuto,

Mas matibay pa ang iyong kalooban kaysa iyong buto,

Alam kong ayaw mong sumuko,

 

Pero nakatakda na ito.

 

 

Daddy, miss na miss na kita.

Naalala mo pa ba kung paano ako humabol sa’yo

Sa tuwing aalis ka?

Pero ngayon pasensya na hindi na kita masusundan,

 

Ang aking kalooban kailangan kong tibayan.

 

Ang iyong mga ngiti, yakap at pasaring,

Sa aking alaala mananatiling kapiling,

Sa nalalapit na pagmartsa namin, mula sa langit ika’y titingin,

Alam kong masaya ka habang kami’y papanoorin.

 

11206466_1101511526529528_158294357885095795_o

?

 

Sino ka ba?

Bakit hindi ka maalis sa isip ko,

Hindi ka maalis sa aking gunita,

Kahit malabo pa ang iyong anyo,

Ni larawan mo ay di pa matamo.

 

Sino ka ba?

At ako ay napapangiti sa kaisipang

Balang araw ay magkikita din tayo.

Kahit parang ikaw ay nasa malayo,

O malapit ka lang ba na para kong

anino?

 

Sino ka ba?

Bakit hindi ako mapalagay kapag

naiisip ang pagsintang hatid mo,

Pagsinta na wagas at buong-buo,

Pag-ibig na puro at walang halo?

 

Sino ka ba?

At lagi ka na lamang sumasagi

Sa aking isip pati sa aking puso,

Ngunit minsan waring inilalayo,

Hindi ko maabot; hindi masuyo.

 

Sino ka ba?

Bakit ako’y sabik sa pagdating mo,

Kahit alam kong ikaw ay nasa plano,

Tamang panahon sa aki’y pinangako,

ng Maykapal na siyang nakakaalam

ng lahat ng ito.

___________________________________________________________________

There is a time for everything, and a season for every activity under the heavens.”

(Ecclesiastes 3:1)

Aaminin ko na

giphy (1)

 

Oo na.

Di ko maitatanggi na palagi kang nasa isip ko. Kahit ibaling ko ang atensyon ko sa ibang bagay, sa’yo pa rin bumabagsak ang diwa ko. Alam mo bang ginugulo mo ang mundo ko? In a weird kind of way. Hahaha

Iniwasan na nga kitang isipin noong mga nakaraang araw eh. Di nga kita iniisip, nararamdaman naman kita. Sobrang kulit mo, alam mo yun. Wala eh, hindi pala kita kayang matiis.

Kaya oo na.

Hindi ko kayang mabuhay ng wala ka.

Kahit ikaw ang dahilan kung bakit ako natutuliro. Natutuliro sa kakaisip kung paanong pinapasaya mo ako sa bawat pagdaan mo. Sa bawat ngiting sumisilay sa labi ko sa tuwing maiisip kita. Kung paanong pinapagaan mo ang loob ko sa tuwing may bumabagabag sa kalooban ko. At sa bawat sandaling kapiling kita.

Naaalala mo ba nung mga panahong gusto kong umiyak? Di ka umimik noon, akala ko umalis ka na. Yun pala kumuha ka lang ng panyo na ipinunas sa aking mga mata.

Kahit  na may mga panahong nasasaktan ako, tinuruan mo akong magpatawad at magtiwalang muli. Ikaw din ang naturo sa akin kung paanong magbigay nang walang hinihintay na kapalit. Tinuruan mo ako kung paano maging mahinahon at mapagpasensya. Sa’yo ko rin natutunan ang salitang pag-unawa. Ikaw ang nagbigay kahulugan sa akin ng salitang pagsinta.

Sharp shooter ka ba? Sapul na sapul kasi ang pagtama mo sa puso ko.

Buti na lang ipinakilala ka sakin ni Lord. Buti na lang ipinagkaloob ka niya sa akin. Buti na lang talaga. Salamat at nakita kita,

 

 

Pag-ibig.

 

Ipapakilala din kita sa kanila 🙂

 

Nagmamahal,

Mara

 

 Love is patient, love is kind. It does not envy, it does not boast, it is not proud. It does not dishonor others, it is not self-seeking, it is not easily angered, it keeps no record of wrongs. Love does not delight in evil but rejoices with the truth.  It always protects, always trusts, always hopes, always perseveres.”

1 Corinthians 13:4-7

Image source: superphazed.tumblr.com via Giphy.com

Sidetrips ng Fieldtrip (ala Entom)

mmv

Photo courtesy of RV Yasoña

Dahil nagsesenti ako noong isang gabi (haha), ibabahagi ko ang ilan sa mga di ko malilimutang mga fieldtrip sa aking Entomology classes.

 

Noong 2015 ay pumunta ang aming klase (Entomology 140) sa Pangasinan upang manghuli ng mga insekto. Ang daan na binaybay namin patungo sa pagtatayuan namin ng tent ay parang forever.

tarlac

Hiking sa San Clemente, Tarlac. (photo courtesy of NH Hamor)

 

Pero sabi nga nila, walang forever. Maliban sa love ni Lord “..His love endures forever” (Psalm 136) . haha

falls

At nakarating na rin sa paroroonan. Sa Timangguyob falls (courtesy of RV Yasoña)

 

timangguyob

Di pa rin nakuhanan ng buo yung falls XD. (photo courtesy of RV Yasoña)

 

Yung tubig sa falls ay pwedeng inumin. Freshest water ever na sumayad sa aking mga labi haha. Pero syempre sa itaas na parte namin kinukuha yung iinuming tubig.

 

Kinabukasan ay pumunta kami ng beach (ow yeaaaa!) at nagkaroon ng fellowship at presentation kada group. Ang mananalong group ay makakatanggap ng incentive.

Syempre competitive kami hahaha.

11020243_966426586730823_2231912703456273521_n.jpg

“Akala mo lang wala. Pero meron! Meron! Merong stick insect dito!” Linya mula sa aming presentation XD (photo courtesy of NH Hamor)

 

pangasinan

“But whoever drinks of the water that I will give him shall never thirst; but the water that I will give him will become in him a well of water springing up to eternal life.” (John 4:14). (photo courtesy of RV Yasoña)

 

Bago umuwi ay bumisita din kami sa Cape Bolinao Lighthouse at bumili ng souvenirs.

Bolinao

“Baby you light up my world like nobody else”- One Direction. Haha 😀 Sidetrip sa Cape Bolinao. (courtesy of NH Hamor)

 

 

Isa pa sa mga fieldtrip na di ko malilimutan ay noong November 2014 kung saan pumunta kami sa Mindoro para sa klase namin sa Entomology 170: Crop Protection Entomology.

mindoro

Unang beses ko makasakay ng barko hahaha. (Mindoro 2014) (courtesy of RV Yasoña)

tubig

Ang ganda… ng dagat. (courtesy of RV Yasoña)

 

Pumunta kami sa iba’t ibang farm sa Mindoro at nagsurvey ng pests at natural enemies. Nanghuli din kami ng mga insekto para sa class requirement.

mindoro 2

The hunt is on! (photo courtesy of RV Yasoña)

mindoro 3

ENT 170 class. Busy ang lahat sa paghahanap ng peste. (no pun intended) (photo courtesy of RV Yasoña)

 

lanzones

Ang isang puno ng lanzones..

unaspis

..may itinatago palang hinaing. (armored scale infestation) (photos courtesy of RV Yasoña)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Ang pinakaprominenteng peste na nakita namin sa lanzones farm ay ang armored scale insects pati na rin ang bark borer. Mahirap kontrolin ang bark borer dahil nagtatago ito sa ilalim ng balat ng puno ng lanzones. Karaniwan ay mano-mano na tinatanggal ito o kaya ay ginagamitan ng insecticide.

 

Sa mga lakbay aral ay hindi lamang mga bagay na teknikal ang aking natututunan.  Mas nagiging malapit ka rin sa kalikasan dahil maappreciate mo talaga ang kagandahan nito. Kasama na rin sa inaabangan ko tuwing may fieldtrip ay ang nabubuo at pinapatibay na mga samahan.

 

Hanggang sa muli ^_^

 

calapan

ENT 170 class 2014! 😀 (photo courtesy of PC Salazar)

 

 

 

 

Ferris Wheel

b646aa82b14543ca8a283d4cb4298bf3.400x224x6

 

“Kailan man ay di niya alam, ‘di pa umaangat loob ko’y nahulog na.”

Ang ride na ito ang pinaka-inaabangan ko tuwing febfair o kaya tuwing itatayo ang peryahan malapit sa amin. Nakakaexcite kasi sa tuwing iikot ito pababa, para bang naiiwan ang puso mo sa itaas.


      "Meron siyang di nalalaman sa akin 
       Takot man ako sa heights
       walang magagawa dahil nandito na."

Kaya naman nang narinig ko ang kanta ni Yeng na Ferris Wheel ay di ko mapigilang ngumiti. Nakakarelate talaga ako dito hahaha. Kapag pumikit ka habang pinapakinggan ito ay para ka talagang nakasakay sa ferris wheel na naka-slow motion.

    
       "Magkahalong kaba at pananabik
       ang tuntungang bumuhat sa'min
       Kailan man ay di niya alam,
       'Di pa umaangat loob ko'y nahulog na"

Tulad ng linya sa kanta ni Yeng, sa bawat pagtapak ko ng ferris wheel ay magkahalong kaba at excitement ang aking nararamdaman. Tuwing nakikita ko ang ride na ito ay bumibilis ang tibok ng aking puso, kahit sa simpleng pagsilay dito ay nararamdaman ko pa rin ang kaba na para bang nakasakay ako dito.


      "Hanging kay lamig ay may binubulong sayo
       Sigaw ng damdamin 
       ay mas tahimik pa sa hatinggabi

       Ang mundo ay ating minasdan
       habang oras ay bumabagal
       Parang ang lahat ay guminto
       Larawang dinadala nitong isip ko"

May kakaibang katahimikan ang hatid sa akin tuwing sumasakay ako dito. Lalo na yung sandaling bigla kang mapapatigil kapag nasa tuktok ka na, pagkatapos ay biglang iikot ang wheel pababa. Sa sandaling iyon kasi ay kita ko ang buong lugar at ang bituin sa langit (kung hindi man maulap). Nakakatuwa kasing pagmasdan ang mga bituin habang hindi mo namamalayang unti-unti ka na palang nahuhulog. At aangat muli.

       "Sa piling mo ay nalulula
        Unti-unti ring nasasanay
        Sa piling mo ay nalulula
        Ngunit parang ayoko na yatang bumaba"

At mahuhulog muli.

Paulit-ulit at nakakakaba man ang pakiramdam sa bawat paglukso ng puso mo dulot ng adrenaline rush ay nakapagbibigay ito ng kakaibang saya. Kahit na hindi mo sigurado kung kailan titigil ang pag-ikot nito; o kung hanggang kailan magtatagal ang paglukso ng puso mo.

At kahit na ilang beses na akong nakasakay ng ferris wheel, kada pagsakay ay parang bagong experience. Nakakahilo man at nakakatakot sa umpisa, tulad nga ng sabi ni Yeng, ay “unti-unti ring nasasanay.”

Kaya naman sa darating na febfair ay excited na ako. Kahit mahaba man ang pila sa ferris wheel ay maghihintay ako. Dahil alam kong darating din ang oras upang makasakay ako dito. At masasabi ko muli ang mga katagang, the ride is all worth it. 🙂

*Image courtesy of Google Images
**lyrics quoted are from Yeng Constantino’s “Ferris Wheel”

Inakay

Bago mo pa lamang nasilayan
ang mundong ibabaw,
Ay nakita na kita

 

Bago ka nagkaroon ng hulma
saka pigura,
Ay minahal na kita

 

Saksi ako sa unang pagaspas
ng iyong pakpak
At ng unang paglipad

 

Saksi ako sa bawat paglagpak
at pagtingala,
Maging sa’yong pagdapa.

 

Masakit man sakin na makitang
ika’y matumba,
at kung saan napadpad,

 

Kung sa paraang ito ikaw ay
lalong tumibay,
Titiising makita

 

Masakit mang tingnan na ikaw ay
nahihirapan,
at hindi na makausad,

 

Kung sa paraang ito ikaw ay
lalong lumakas,
Titiising kusa

 

Ngunit kung sa pagkakahiga ay
di makabangon
at di rin makaahon

 

Huwag mong kalilimutan
Nandito ako

 

Kasama mo sa habang panahon

Obra

12167735_1202083816472298_11606613_n

Hindi.

Hindi mo kilala kung sino ako,

Pero kung anu-ano na

ang sinasabi mo.

Hindi mo alam kung ano

ang pinagdadaanan ko,

Pero kung makahusga ka

parang hawak mo ang mundo.

Hindi ko hinihiling na mabigyan ng

pag-awit mo,

Ang pag-awit mong may

malisya sa tono.

Hindi ko alam kung anong

problema mo

Pero kung tingnan mo ay

parang hinuhubaran ako.

Hinuhubaran ang aking pagkatao,

sagad hanggang buto

Ano nga ba ako

sa paningin mo?

Hindi ako isang bagay,

Hindi ako isang laruan,

Lalo nang hindi isang estatwang

maaari mong titigan,

Babae ako.

Tao rin naman ako.

Ang hinihingi ko lamang

ay ang pagrespeto mo.